Bago pa sumiklab ang digmaang Pilipino-Kastila ay mayroong laro ang mga matatanda dito sa katagalugan (Batangas, Laguna, Rizal, Bulacan, Cavite, Quezon at iba pa) na kung tawagin ay "LARONG TAWAGAN." Ang larong ito ay maaaring dalawa lamang ang nagsasagutan at dumarami na kapag may ibang nakarinig at sila ay sumasali na rin. Ang mga pangungusap ay pawang galing sa PASYON -- ang awit salaysay tungkol sa buhay ni Hesukristo na isinulat ni Dr. Mariano Pilapil noong 1884 na magpa-hanggang ngayon ay siya pa ring ginagamit.
Ang TAWAGAN ay may pagkakataong hindi sinadya. May isang bumabasa ng pasyon na ang binabasa ay ang bahagi ng Kristo na kasagutan ay ang Birhen na kapag narinig ng isang dumaraan ay kanya nang sasagutin ang pangungusap na para sa Birhen. Sa ganoong pagkakataon ay aanyayahan na ng maybahay ang taong sumagot kahit hindi kakilala at sila ay magsasagutan na sapagkat noong panahong yaon ay bihira ang hindi kabisado ang pasyon. SINADYA, kapag sila ay nagkaimbitahan- karaniwang tagpuan ay sa Pundahan, lamayan, tatlong gabi, pasiyam, pa-apatnapo, ibis-luksa o patapos sa panahon ng mahal na araw. Ang OPISYO - kapag nagkatipon-tipon ang mga Apisyonado na ang ibig nilang sabihin ay mga MAHIHILIG sa senakulo. Hindi pa tiyakang senakulo ang tawag kundi may nagsasabing "halika manood tayo ng "OPISYO."
Bago pa man maisulat ni Dr. Mariano Pilapil ang edisyon niya ng PASYON ( Pasyong Pilapil) noong 1884, marami nang pasyong tagalog na sulat kamay pa lamang noong ika-18 siglo. ANG MAHAL NA PASSION NI JESU CHRISTONG PANGINOON NATIN NA TOLA, na sinulat ng taga-Batangas (Rosario) na si GASPAR AQUINO DE BELEN, ay ang obra maestra ng panulaang Tagalog ng ika-18 siglo. Ito ay unang na-ilimbag noong 1703. At noong mga taong 1815 ay unang na-ilimbag ang mas popular na "Casaysayan nang Pasiong Mahal ni Jesucristong Panginoon Natin na Sucat Ipag-alab nang Puso nang Sinomang Babasa." Ngunit ang bersiyon ni Aniceto de Merced noong 1852 na "El Libro de la Vida" ay hindi naging popular sa masa. Sa ngayon ay ang Pasyong Pilapil ang ating ginagamit sa Mahal na Araw at sa mga Pabasa. Ang mga Pasyong Pilipino na nabanggit ay marahil batay na rin sa mga Pasyong Europeo partikular na ang Pasyong Kastila (na halos 3 siglo tayong sinakop) ayon kay Lumbera at halimbawa ng mga ito ay ang: Iñigo de Mendoza Vita Christi (Zamora, 1482); Comendador Roman Coplas de la Passion con la Resurreccion (Toledo, 1490); Juan de Quiros Cristo Pathia (Toledo, 1552); Francisco Hernandez Blasco Universal Redencion. Ayon naman kay Rene B. Javellana,S.J. ang pangunahing tahasang pinagmulan ng tula ni Aquino de Belen ay ang Retablo de la Vida de Cristo ni Juan de Padilla na inilimbag noong 1585. Bilang likhang pampanitikan, mapapansin natin ang mala-dramatikong katangian ng pasyon; hindi lamang ito tuluyang salaysay kundi may mga bahaging nakaaakit ding isatanghalan; ito marahil ang naging ugat ng pagtatanghal ng senakulo. Karaniwan ding sa pasyon halaw ang diyalogo ng senakulo na nasa anyong quintilla. Ang bawat kahon ay may limang wawaluhing pantig na linya. Bukod sa nabanggit na Pasyon, marahil na ang akdang patula na siyang iskript ng senakulo ay batay rin sa Bibliya, mga Apocrypha at mga leyendang (legends) Kristiyano na nagmula sa Europa. Ang apocrypha ay mga lumang akda sa anyo ng ebanghelyo, liham at mga gawa na nagsasalaysay ng mga lihim na tagpo sa buhay ni Jesus at ng mga alagad. Bagama't hindi ito bahagi ng Bibliyang Kristiyano ay naging popular pa rin ang mga ito partikular na sa mga Katoliko. Halimbawa ng mga ito ay ang tungkol sa kuwento ni Veronica, Longhino, Malco, Samuel, Bueneres at iba pang karakter na hindi nabanggit sa Bibliya o nabanggit man ay pahapyaw lamang. Karaniwan sa mga ito ay bukam-bibig lamang o kuwento ng mga unang Kristiyano na kinalap at tinipon ng isang paring Dominicano; halimbawa nito ay ang Legenda Aurea ni Jacobus de Voragine na siyang pinag-ugatan ng kuwento ni Longhino. Iyon namang tungkol kay Serapia na tinawag na Veronica at ang " sagrada cara" ay matatagpuan din sa pasyon Retablo ni Padilla. Sinikap ng mga may akda ng senakulo na maging tapat sa tamang aral ayon sa tinanggap nila sa Inang Simbahan. Ang mga kuwentong nabanggit hindi man mababasa sa Bibliya ay inaaring mahalaga ng mga Katoliko sapagkat ito nama'y kapupulutan ng aral na magpapatibay sa pananampalataya. At ang iba pang tagpo sa senakulo ay makikita rin sa mga debosyong pang-kuwaresma tulad ng "Via Crusis" o Estasyon ng Krus na pinalaganap naman ng mga Franciscano. Malaking bahagi rin nang pagkakaroon ng senakulo dito sa atin ang mga kalinangang Kastila na naging makapit na sa mga Pilipino, at hindi lang senakulo ang naging bunga ng mga ito; ang mga ito'y nagbunga rin ng mga "comedia" na kilala rin sa tawag na moro-moro.
Ang katagang "senakulo" ayon sa aking pananaliksik ay tinatawag sa ingles na ''senacle'' o "the upper room" kung saan ginanap ni Hesus ang kaniyang "Huling Hapunan" kasama ang kanyang mga Alagad. Dito rin Siya muling nagpakita sa mga Alagad noong muli Siyang mabuhay. Marahil kaya ito ang naging katawagan sa dulang ito ng buhay at pasyon ni Hesus.
Ayon kay Amang Tonio (Antonio Cruz), dito sa Taytay ay taong 1901 natatag o naipundar ang Samahang Lugod ng Bayan Sinakulista at si G. Sesto Salandanan ang unang direktor. At ang sumunod ay si G. Juan Darote na kanyang kinagisnang direktor noong siya'y magsimulang gumanap sa gulang na pitong taon. Ang sumunod na direktor ng samahan ay si G. Iñigo Esguerra (Ka Egong) na kanya namang sinundan. At hanggang ngayon ay siya pa rin ang kinikilala naming direktor habang pinagtutulungan naming mga kabataan na i-angkop ang estilo at pamamaraan ng paglabas sa pangkasalukuyang panahon. Isang bagay na aming pinagsusumikapang isakatuparan hindi upang kalimutan o palitan ang napakahalagang kulturang ito ng aming bayan kundi upang mapaunlad ang kanilang sinimulan.
Ang senakulo sa bayan ng Taytay noong araw ay may dalawang samahan ang Samahang Lugod ng Bayan na tinatawag ding HUBO at ang Samahan Puso ni Hesus na tinatawag ding KAMONA o KIMONA. Ngunit noong 1975 ay sumilang ang ikatlong samahan ito ay Ang Verbo, na ang mga pundador ay nanggaling din sa Samahang Lugod ng Bayan.
Ayon sa mga matatanda ng aming samahan, noong araw daw ay wala pang entablado at sa "cuadra" sila nagpapalabas. Cuadra ang tawag nila noon sa isang bakanteng lupa na lalagyan lamang nila ng apat na poste at bakod at doon na sila magpapalabas.Taun-taon ay hindi iisang beses lang kung sila ay magpalabas, madalas daw ay tatlong beses sila lumabas, bago magmahal na araw, sa panahon mismo ng mahal na araw at pagkatapos nito, sapagkat maraming bayan ang nag-iimbita sa kanila, minsan pa nga raw ay Mayo na ay lumalabas pa sila. Nasisita daw sila hanggang sa Nueva Ecija, Bulacan, Taguig, Batangas at marami pang ibang bayan. Natigil lamang sila noong panahon ng Hapon at muli nilang itinuloy ang pagpapalabas pagkatapos ng "World War II."
Ang taguring HUBO, kung saan mas nakilala ang samahan ay nanggaling sa mga pagkakataon na patong-patong ang damit ng mga manggaganap dahil limitado ang bilang ng miyembro ay marami silang papel at upang mapabilis ang pagpapalit ng costume ay isa-isang huhubarin ayon sa kanyang papel. Minsan ay nahuhulog na pababa o nahuhubo na unti-unti yung unang patong ng damit. Kaya HUBO ang naging tawag- kasi unti-unti nahuhubo ang suot.
Ayon din kay Amang Tonio nilalapitan siya ng mga taga-Cainta noon upang makakuha ng mga "technic" sa pagpapatakbo ng labas, at ngayon ay mas nakilala pa ang Cainta sa larangan ng Senakulo. Kaya ngayon, pinagsusumikapan naming mga kabataan, sa tulong at kalooban ng Maykapal, na itaguyod ang isa sa mga naunang samahan, kundi man pinaka-unang samahan ng Senakulo sa lalawigan ng Rizal, ang Samahang Lugod ng Bayan Sinakulista (HUBO) Inc.